FILIPINO READ ALOUD BOOK: SANDOSENANG KUYA (A DOZEN BROTHERS) WITH TAGALOG SUBTITLES
Sandosenang Kuya
Kuwento ni Russell Molina
Guhit in Hubert Fucio
(MUSIC)
"Ano ba 'tong mga batang itoooo!"
Hayun, nagalit na naman si Tatay.
Aug gulo-gulo kasi naming magkakapatid.
"Huwag kayong magtakbuhan dito sa loob," yan ang lagi niyang saway.
Mahirap talaga pag kami'y nagkasabay-sabay.
Alam mo ba kung ilan kaming lahat?
Labintatlo!
Dami no?
Ako ang pinakabunso.
(HAGALPAK NG TAWANAN)
Sandosena ang kuya ko.
Iba-iba ang itsura, iba-iba ang porma.
May bilugan, may malapad, meron ding higante sa tangkad.
May pormang artista, may pormang henyo, at 'yung isa nama'y tinutukso naming isda! (ang laki kasi ng mata niya)
Pero kahit na iba-iba ang kanilang hugis at itsura,
iisa lang ang tawag ko sa kanila ... kuya.
(TAWANAN ULIT)
Sandosenang ngiti ang bumabati sa akin tuwing umaga.
Sandosena ang kalaro ko ng taguan sa plasa.
Sandosenang tsinelas ang lumilipad sa tumbang preso.
Sandosenang nakabantay sa patintero.
(MGA BATANG HUMIHIYAW)
Noong ako'y nagutom, sandosenang kalawit ang pumitas ng mangga sa kapitbahay.
Sandosena rin ang nagtakbuhan nang mahuli kami ng asong-bantay.
Sandosena ang katulong ko sa pagwawalis ng kalat.
Sandosenang titser ang nagturo sa akin magbasa at magsulat.
Sandosenang doktor din ang gumagamot kapag ako'y may lagnat.
Sa harap ng TV, sandosenang "ha-ha-ha!" at "hi-hi-hi!" ang maririnig mo.
Sandosena ang kumakanta kasabay ng radyo
(pero wala namang tumatama sa tono).
(TAWANAN NA NAMAN!)
(KANTANG WALA SA TONO!)
Sa bawat problema ko, sandosenang solusyon at payo.
Pag malungkot naman, sandosenang masasayang kuwento.
Ako na talaga ang pinakasuwerte sa buong mundo!
(MASAYANG TAWANAN NG TAWANAN ULIT!
Laking gulat ko nang isang araw, lumapit sa akin ang pinakamatanda kong kuya.
"'Noy, aalis na ako sa makalawa," ang bungad niya.
"Magpakabait ka, 'wag mong pahirapan ang mga kuya mo ha."
"Saan ka pupunta, Kuya?"
"Kailangan ko nang umalis ng bahay.
Nasa tamang gulang na ako at kaya ko nang mag-isa."
Hindi ako makapaniwala.
Bakit kailangang umalis ni kuya?
"Ganiyan talaga iho," ang paliwanag ni Tatay, "pag nasa wastong edad na'y kailangang umalis na rito.
Hindi ka naman titira nang habambuhay dito sa Bahay Kalinga, di ba?"
Oo nga pala, hindi ko nasabi sa 'yo, sa Bahay Kalinga kami lahat nakatira.
Dito napupunta ang mga batang ulila na kagaya ko - wala nang magulang o kamag-anak na makapag-aalaga.
Dito kami dinadala upang sa kalye ay hindi magpagala-gala.
Suwerte nga namin at nandito si Tatay.
Siya ang aming kinikilalang ama.
Siya at ang aking sandosenang kuya ang nakagisnan kong pamilya.
(MAY SUMISIPOL NA PAKANTA).
Darating ang araw, sabi ni Tatay, na may iba pang mga bata na mapupunta rito.
Mga bagong kapatid ko. Mas bata nga lang sila sa akin.
At sila na ang magiging bunso.
"Iba-iba ang kanilang itsura, iba-iba ang kanilang porma,"
dugtong ni Tatay, "pero lahat sila ay tatawagin kang ....... kuya."
Nagkumpol-kumpol kami sa labas ng bahay para magpaalam sa aming panganay.
Sandosenang kamay ang sabay-sabay na kumakaway.
Sandosenang "Ingat ka!" at "Babay!"
Sandosenang retrato ang aming pabaon.
Kasama ang sandosenang mangga sa loob ng karton.
Siguradong hindi kami makalilimutan ni Kuya.
Lalo na ang magagandang alaala na hihigit pa sa sandosena.